Vote for Sale,
Kamatis, Isda, Atbp.
Sinulat ni: Kilawen ng Cavite, 05 January 2010
Eleksiyon na naman sa Pilipinas
Lalakas na naman mga tao sa katas
Dahil ang tumatakbong Mayor sa aming bayan
Haciendero ng mga unas.
Sa huling election na aking na-witness
Paggising sa umaga, sa gate andun si misis
Nakikichika sa kapitbahay
Ano daw ibibigay ni Councilor Y.
Huling gabi bago mag-election
Nasa kalye mga tao, parang rebolusyon
Nag-aantay pala ng grasya sa magbibigay
Ng kamatis, isda, at iba pa.
Sa Bayan ng Lokaloka, mayaman si Mayora
Nagbibigay ng tarheta with matching groceries pa
Bigas, sardinas, kape at asukal
Sinamahan pa ng noodles, completo almusal.
Si Konsehal naman, nagpamudmod din
Botelya ng palaman, nakasulat, "Vote for Alanganin!"
Sinamahan pa ng pandesal, ok, malambot naman
Busog ang mga tao sa isang kainan.
Katiwala ni Konsehala, umikot sa bahay-bahay
May maliit na sulat, kampanya ang pakay
Pagbukas ko naman ng natiklop na papel
Limang-daang piso, Vote for Stella Elle.
Tuwang-tuwa mga tao sa magagandang regalo
Sino nga naman hindi tatanggap, libre nga ito.
Ngunit kung iyong pagnilay-nilayin
Sa isang libreng pagkain, anim na taong corruption din.
Tayong mga pinoy, hindi tayo bobo
Hindi lahat ng itlog ay nakakabusog
Hindi mo ba alam, na ito'y malasado?
Baka pagdating ng araw, pagsisisihan mo.
Okay lang naman tumanggap ng grasya
Pero pagdating ng election, mag-isip-isip ka
Sino bang iboboto mo sa kanila
Ang nagbigay ng pera o almusal kanina?
Bakit nga ba ganito ang mga pangyayari
Maraming regalo,di ko naman birthday.
Dati hindi ganito ang istilo ng eleksiyon
Halimbawa ba ito ng isang korupsiyon?
Alam kong kinikita natin ay hindi pa sapat
Sa pang-araw-araw, masakit din sa balikat.
Ngunit bilang pinoy, isipin nating mabuti
Ano ba ang diwa at ating mithi?
Eto namang si Mang Carlo, animoy isang tupa
Sunud lang ng sunod sa utos ni Mayora
Kung nagkataong nakapwesto na siya,
Kilalanin kaya siya sa araw ng misa.
Si Aling Selya naman, panay ang papuri
Si Konsehala daw ay napakabuti
Di ba niya alam na isa lamang pagkukunwari
Ang bigay na pera, hindi man lang sinuri.
Tayong mga botante, gamitin ang utak
'Wag yung parang manok na putak ng putak.
Manalangin tayo na sana'y umasenso
Bayang Pilipinas, umangat pa lalo.
Suriin natin ang puso ng uupo
Kung siya ba ay tapat at di panay areglo.
Dito tayo sa taong kaya tayo ipagtanggol
Sa lahat ng oras, trabahong walang putol.
Ipaglaban natin ang boses ng masa
Kung hindi sa atin, sila rin ay wala.
Ituwid natin ang maling sistema
Isulat mo kaibigan sa balota ang tama.